Kabilang sina Glaiza de Castro at Arny Ross sa mga Kapuso celebrity na nag-invest din sa negosyo na kanilang tinututukan kapag hindi masyadong busy sa showbiz.

“Sa panahon ngayon, kailangan talaga nating mag-cope-up at importanteng-importante ang kabuhayan showcase,” sabi ni Glaiza sa programang “Mars” nitong Martes.



Dahil hilig niya ang mag-travel, naisipan ni Glaiza na travel agency ang pasuking negosyo— ang Galura Travel Depot Co.

“Kapag nag-i-invest ako sa isang business, gusto ko passion ko talaga. Isa yung pagta-travel sa talagang kinahihiligan ko. Mahilig talaga ako na ako ang nag-a-arrange lahat, mula sa visa, itinerary, sa transportation at sa food,” kuwento ng Sanggre Pirena ng "Encatandia."

Kaya naman nang may nag-offer sa kaniya na mag-seminar tungkol sa travel agency, inalok din niya ang kaniyang nanay at ate na subukang mag-invest.

Sa ngayon, si Glaiza ang nag-a-approve ng ibang itineraries at ng looks pagdating sa kung ano ang kanilang ipo-post sa socila media.

“Kung gusto niyong mag-travel, mahilig kayong maglakwatsa, ngunit ayaw niyo ng aberya, at your service po ang Galura Travel Depot Co.,” pag-imbita ng Kapuso star.

Samantala, masaya rin si Arny Ross sa kaniyang negosyo na franchise ng Bon Appetea sa Dasmarinas.

“Nag-start lang with a plan and now nasimulan na rin namin ang path to a business success. Mahilig po kasi ako sa milk tea talaga, sa frappe, sa mga drinks,” kuwento.

Ibinahagi ni Arny na napili niya ang Dasmarinas dahil dito siya lumaki kaya nakikita niyang magiging maganda ang market ng kanyang negosyo.

Kapag wala siyang trabaho, si Arny raw ang namamahala sa shop at nagtitimpla rin ng milk tea at nagluluto.

“Dati talaga, hindi ako business minded, so ngayon na ibinigay sa akin 'to, lahat, bawat detalye ng business na 'to, talagang inaalam ko,” pagbahagi niya.

Katulong ng TV host-actress sa negosyo ang kaniyang long time boyfriend. -- Jamil Santol/FRJ, GMA News