Gumaling na sa COVID-19 ang TV-host at comedian na si Donita Nose matapos na ilang linggong ma-confine sa ospital.

Sa kaniyang Facebook account nitong Miyerkoles, nag-post si Donita ng video ng paglabas niya sa ospital, habang pinapalakpakan siya ng mga medical frontliner.

"And im FREE!.. SALAMAT PO AMA!" saad ni Donita sa post.

Bago umalis ng ospital, nagpasalamat muli si Donita sa mga health worker.

"Thank you, ingat kayo. God bless, ipag-pray natin sila," pasasalamat ni Donita sa mga health workers na nag-cheer sa kaniyang paglabas.

Sa kaniyang post, sinabi ni Donita na, "Salamat sa lahat ng nag pray.. nag nagmalaksakit at nagmahal.. at nagbigay ng tulong, gagawa ako ng video ng lahat ng taong papasalamatan ko. Pero eto muna.. SALAMAT sa lahat ng FRONTLINERS saksi ako sa hirap at pagmamahal nyo sa mga pasyente at trabaho nyo.. SALUDO AKO SA INYONG LAHAT. GOD BLESS US ALL! I LOVE YOU ALL."

Bago nito, nagpasalamat si Donita dahil hindi na siya umabot sa punto na kailangan niyang lagyan ng life support.

Naging mahirap rin daw ang paghahanap ni Donita ng ospital dahil halos puno na ang lahat ng mga pasibilidad.

Nanawagan din ang "Wowowin" co-host na huwag pandirihan ang mga tao na nagpositibo sa COVID-19.--FRJ, GMA News