Sa harap ng krisis pangkalusugan na dinaranas ngayon, isa lang ang hiling ni Marian Rivera na nagdiwang ng kaniyang ika-36 na taong kaarawan.

"My only birthday wish is that all of you are safe and healthy," bahagi ng caption ni Marian sa ipinost niyang family picture nila sa Instagram.

Ngayon na nadagdagan na naman siya ng panibagong taon, sinabi ng aktres na nagpapaalala ito na ang pinakasimpleng bagay ang pinakamahalaga.

Nagpapasalamat din ang aktres na makasama niya ang kaniyang pamilya sa espesyal na araw na ito.

"Let’s continue to pray and help each other. Thank you so much for all your birthday greetings!” sabi ng Kapuso primetime queen.

 

 

Ang kaniyang mister na si Dingdong Dantes, sinabing nais lang nilang mag-relax sa birthday ng kaniyang kabiyak.

"Relax lang. Araw-araw naman kasama namin ang mga anak namin so its always a special day," sabi ng Kapuso primetime king sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel.

Samantala, hindi naman nakalimot ang mga kaibigan ni Marian na batiin siya sa kaniyang kaarawan tulad ni Ai Ai delas Alas na kambal ang tawag sa kaniya.

Binalikan ni AiAi ang tagal ng pagiging magkaibigan nila ni Marian sa pamamagitan ng ipinost niyang mga larawan nilang dalawang.

“Habang tumitingin ako ng pictures natin ang tagal na pala ng pinag samahan natin. Madami ka ng na witness sa buhay ko na kung ano-ano haha,” anang komedyante na more blessing ang hangad sa kaibigan.

Sina Boobay at Joey Paras,  savior at angel ang tawag kay Marian nang batiin nila ito ng maligayang kaarawan.

Tinulungan kasi Marian ang dalawa nang magkaroon ng malubhang karamdaman.--FRJ, GMA News