Naiyak sa sobrang tuwa si Shaira Diaz nang malaman niya na siya ang napiling maging leading lady ni Ruru Madrid sa upcoming Kapuso action-adventure series na 'Lolong,' na inspired sa nahuling dambuhalang buwayang si Lolong noong 2013.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, inakala kasi ni Shaira na sasalang lang siya sa online screen test para sa serye.

Kaya laking gulat niya nang sabihin sa kaniya ang magandang balita.

Nagpahayag naman ng labis na pasasalamat si Shaira na siya ang napiling maging katambal ni Ruru sa serye.

Si Ruru, welcome na welcome naman ang pagkakapili kay Shaira.

"Hindi ko pa po nakakatrabaho si Shaira pero lagi ko po siyang napapanood at nagagalingan po talaga ako sa kaniya," anang aktor.

Ang "Lolong" ang pinakamalaking action-adventure series na gagawin ng GMA na ididirek ni Rommel Fineza.

Ibinida naman ni direk Rommel ang mga action scene sa serye na magaganap sa ere, sa tubig at maging sa lupa.

"May jungle fight kami, may underwater...may fight scene kami sa helicopter habang lumilipad ang helicopter," saad niya.

Ayon kay Shaira, gaya ni Ruru, handa rin siya na hindi rin magpa-double sa mga action scene.

"Hindi rin ako magpapa-double. Ganun ako ka-excited at kasaya. Seryoso ako," sabi ng aktres.

Hindi rin mawawala sa istorya ng serye ang buwaya, na hango sa namatay na dambuhalang buwaya na si Lolong.

Ayon kay direk Rommel, hindi lang isa kung hindi dalawang buwaya ang gagamitin sa serye. --FRJ, GMA News