Itinuturing ni Paolo Contis na isang responsibilidad ang trabaho nila bilang mga comedian sa "Bubble Gang," lalo't nahaharap sa pagsubok ang mga tao sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa panayam sa kaniya ng GMA Regional TV Live, pinasalamatan ni Paolo ang "Bubble Gang" creative director na si Michael V. dahil sa tiwala at pagkilala sa kaniyang professionalism sa paggawa ng mga bagong konsepto para sa programa.

"Siyempre, we were still taking his lead, ika nga. Ang nasa utak namin 'What would Bitoy do?' Feeling lang niya ako siguro kasi ako talaga 'yung maboka eh," kuwento ni Paolo.

Dahil sa pinagdadaanang krisis ngayon ng mga Pinoy, pakiramdam ni Paolo na tungkulin ng mga comedian sa publiko na patuloy na magbigay ng kasiyahan.

"At saka feeling naman namin responsibilidad namin 'yun sa publiko, especially now that people need a laugh. Feeling namin ngayon kami kailangan lalo ng public, itong 'Bubble Gang,'" ani Paolo.

Nakatanggap ng pagkilala si Paolo sa publiko noong mga nakaraang buwan dahil sa magaling na pagganap niya sa dalawang pelikula niya na "Through Night and Day" at "Ang Pangarap Kong Holdap."

Kasama naman ni Paolo sina Andrea Torres, Benjamin Alves, Yasmien Kurdi, at Maey Bautista sa “I Can See You: The Promise” na nag-premiere nitong Oktubre 5 sa GMA Telebabad.--FRJ, GMA News