Para kay Dennis Trillo, naging pagsubok o "testing" sa kanila ni Jennylyn Mercado ang COVID-19 pandemic para mas makilala pa nila ang isa't isa at maihanda na sila sa "next level" ng kanilang relasyon.

"Iba 'yung panahon ngayon, mas lalo kayong maraming time sa isa't isa, mas marami kayong time together," sabi ni Dennis sa panayam sa kaniya ng GMA Regional TV Live.

Bagama't limang taon na mula nang magkabalikan sila, sinabi ni Dennis na mas nakilala pa rin niya si Jennylyn ngayong panahon ng quarantine.

"Almost ilang months, so para rin siyang testing eh. Tine-test kayo in preparation para du'n sa next level. Mas makikilala mo 'yung taong kasama mo nang ganu'n katagal, lahat ng ugali niya malalaman mo. So maganda rin 'yung experience kasi sa buong relationship namin ito 'yung time na talagang nagkasama kami nang matagal, almost everyday na sunod-sunod," anang Kapuso Drama King.

Nakaka-bonding din ni Dennis hindi lang ang anak niyang si Calix, kundi pati ang anak ni Jennylyn na si Jazz.

"Siyempre lagi tayong nasa loob ng bahay. So ginagawa namin every afternoon, lalabas lang kami sa deck tapos magpapapawis, magpapaaraw dahil sa panahon ngayon importante nakakalanghap ka ng sariwang hangin, importante na naaarawan ka."

"Naglalakad-lakad kami, nagja-jogging, nag-e-exercise, nagyo-yoga sa labas, nagme-meditate," dagdag niya.

Matatandaang nag-extra effort si Dennis nang magbihis siya bilang si Blippi, isang kilalang American children's entertainer at educator, para sorpresahin si Jazz sa kaarawan nito noong Agosto.

Full-support din si Jennylyn nang makisaya siya sa basketball-themed na ika-13 kaarawan ni Calix.--FRJ, GMA News