Inakala ni Rhian Ramos noong una na "dadayain" lang ang kissing scene nila ni Jennylyn Mercado sa pinag-usapang series nila na "I Can See You: Truly. Madly. Deadly." Ngunit nang malaman niyang game si Jen, pumayag na rin siyang gawin ito nang totohanan.

"Well nu'ng nabasa ko pa lang 'yung sa script iniisip ko, 'Ah wala 'yan daya 'yan, dadayain lang 'yan," kuwento ni Rhian sa Kapuso Showbiz News.

"And then noong pagdating ko sa set, tinanong ko agad si direk [Jorron Lee Monroy]. 'Direk 'yung mga sampal, kissing, hawakan, ano ba 'yung mga dadayain at ano 'yung mga hindi?'" pagpapatuloy niya.

Ngunit pagdating sa set, iniwan na raw sa kanila ng direktor ang pagpapasiya.

"Sabi niya, 'Nasa inyo 'yon,'" ani Rhian.

Si direk Jorron daw ang nagtanong kay Jennylyn at pumayag ang aktres. Kaya naman nakampante na rin si Rhian na gawin ang eksena, lalo pa't inaalagaan naman nila ang kanilang mga sarili ngayong quarantine.

"Tapos nu'ng tinanong niya si Jen, okay naman din sa kaniya. So ako, parang...okay!'"

"Kasi lahat naman kami nag-swab test beforehand, we've been taking care of ourselves, we've been taking immunity meds and everything. So at that time, talagang confident kami na safe naman," sabi pa ni Rhian.

Inilahad ni Rhian na isa rin sa mga naging konsiderasyon niya ay kung ilalabas ba ang eksena.

"Actually ako, iniisip ko na, kung eere siya, gagawin ko. Kasi nakagawa na ako ng one kissing scene na hindi inere. So sabi ko kung ieere 'yan gagawin ko kasi bakit pa tayo magri-risk sa panahon ngayon kung hindi naman?" kuwento niya.

Ginarantiya naman daw ni direk Jorron na mapapanood sa telebisyon ang gagawin nilang eksena.

"Tinawagan niya agad, and eere daw. So sabi ko 'Okay let's do it,'" masaya pa niyang kuwento. --FRJ, GMA News