Sa online talk show na "Just In," inilahad ng 44-anyos na si Ina Raymundo ang mga paghanga sa mga naging mommy ngayong panahon ng pandemic. May balak pa kaya sila ng asawang si Brian Poturnak na dagdagan ang lima nilang anak?

"Siyempre it's not easy, very challenging, lalo na ngayong malalaki na sila, more like 'yung panganay ko, parang barkada na kami. We drink together, we hang out, lalo na ngayon lagi kaming magkasama," saad ni Ina kay Paolo Contis na host ng programa.

Anak nina Ina at Brian sina Erika Rae, Jakob, Mikaela Jade, Anika at Minka.

Natanong si Ina kung may plano pa sila ng kaniyang asawa na magkaroon ng ikaanim na anak.

"Gusto ko pa kung ako 'yung masusunod. Kung hindi factor 'yung age, I really would love to have another one," sabi ni Ina.

Gayunman, inilahad ni Ina ang kaniyang mga pag-aalinlangan.

"Kaso 'yung asawa ko 51 na siya, tapos ako 44 na, so parang hindi na advisable. Tapos ngayon may pandemic pa, hindi ganu'n kadaling magpa-check up, it's so complicated," saad niya.

"Sobrang complicated tsaka mas mahal ha. Laging may extra for the PPE, they charge more, it's really more expensive ngayon. Mahirap mabuhay ngayon, mas mahal ang lahat ng bagay," dagdag pa ni Ina.

Kaya naman sinaluduhan ni Ina ang mga nanay na nagkaroon ng mga supling ngayong may pandemya.

"Sa mga mommies ngayon, mga young mommies, mga new mothers, bilib ako sa inyo because I think it's really hard. It's just nerve-wracking to have a baby right now sa panahon ngayon. So bilib ako sa mga bagong mommies, napaka-strong ninyo," saad ni Ina.--FRJ, GMA News