Kung si Paolo Contis ang tatanungin, gusto pa sana niyang masundan ng isa pang kapatid ang anak nila ni LJ Reyes na si Baby Summer. Pero may pag-aalinlangan siya kung mangyayari ito sa panahon ng pandemya.

"Sana, sana. Kung kayang hintayin pa naman, itong matapos itong [pandemic]," sabi ni Paolo sa kaniyang online talk show na "Just In."

Paliwanag ni Paolo, nalulungkot siyang hindi ma-enjoy ng kaniyang mga anak ang kanilang kabataan dahil sa COVID-19 pandemic.

"Kasi nalulungkot ako for the kids eh. 'Yung nasa bahay lang sila, they don't know what's happening, they don't know kung bakit hindi sila makalabas ng bahay. Hangga't kaya mong i-explain, hindi eh."

Kaya para sa kaniya, ayaw niyang maranasan ng mga susunod pa niyang anak ang stress at walang kasiguraduhang dulot ng pandemya.

"I really hope matapos itong pandemic next year. Kasi feeling ko malaki ang nawawala sa kabataan nila. And ayokong magpasok ng isa pang bata na ganito rin 'yung kadadatnan niya. Medyo hindi pa clear 'yung future eh," ani Paolo.

Si Ina Raymundo ang naging panauhin ni Paolo sa "Just In" kung saan nagkuwento rin si Ina tungkol sa lima niyang anak.

Para kay Ina, mahirap na ring magkaroon sila ng ika-anim na anak ng asawang si Brian Poturnak dahil bukod sa kanilang mga edad, mahirap magpa-check up sa panahon ng pandemya.

Bagay ito na sinang-ayunan din ni Paolo.

"Tama ka, parang ang hirap mag-checkup. Paano ka magtse-check up? So siguro kung makabawi naman tayo next year, then we will plan again," anang aktor.

"Ang sarap kasing may bata, 'di ba?" dagdag pa ni Paolo. – Jamil Santos/RC, GMA News