Magaan na ang loob at tumatawa nang muli si Super Tekla matapos siyang dumaan sa mabigat na pagsubok nitong nagdaang buwan. Gayunman, mayroon siyang inihayag na mami-miss niya sa darating na Pasko.

"Ayokong umiyak kasi iniyak ko na lahat eh. Pero 'yun ang pinakana-miss ko talaga. Hindi ko alam kung paano siya mag-stand kasi napakamurang edad pa niya, hindi ko alam kung maibibigay talaga 'yung tamang care for him," sabi ni Tekla sa "The Boobay and Tekla Show," na tinutukoy ang anak niyang si Baby Angelo.

 

 

"Na sana nandu'n ako. Na from time to time gaya ng ginawa ko," dagdag pa ng comedian dahil nasa kaniyang ex-live in partner na si Michelle ang bata.

Matatandaang inasikaso ni Tekla ang pagpapa-opera para kay Baby Angelo dahil ipinanganak itong may birth defect na anorectal malformation o walang butas ang puwet.

"Nu'ng first month na nasa ospital siya, lahat ng oras nakatutok ako. Ngayon hindi ko na siya puwedeng gawin dahil sa nangyari," ani Tekla tungkol sa kontrobersiyang nangyari sa kanila ni Michelle.

"Kasi dati noong two months noong na-save ko siya, wala akong isang minutong hindi pinalagpas, nailihis sa kaniya. Kahit anong puyat ko, kahit anong pagod ko, siya ang mami-miss ko nang sobra," pagpapatuloy niya.

Inihayag ni Tekla na wala muna siya ngayong komunikasyon sa kaniyang anak.

"Kaya para hindi ako masaktan, hindi ko siya kinakausap. Kasi madudurog lang lalo 'yung puso ko. But anyway, mami-miss ko siya."

Dumaan sa pagsubok si Tekla nang paratangan siya ng kaniyang ka-live in na si Michelle.

Natanong din si Tekla kung handa na kaya siyang umibig muli.

"Ipapahinga ko muna yung puso ko," saad niya.

Idinagdag ng komedyante na labis siyang nasaktan sa nangyari sa kanila ni Michelle kaya mas makabubuting pagalingin muna niya ang kaniyang puso. --FRJ, GMA News