Ikinuwento ni Jean Garcia kung paanong naapektuhan sa pagpanaw ng kaniyang ina na si Sandra Garcia dahil sa COVID-19 ang kaniyang mga anak na sina Jennica at Kotaro.

Sa panayam kay Aubrey Carampel ng GMA News "24 Oras" na mapapanood sa Kapuso Showbiz News, inilahad ni Jean na nakausap pa ni Kotaro ang kaniyang lola Sandy bago ito mamaalam.

"Ikinukuwento sa akin ni Kotaro, nag-I love you raw sa kaniya. Noong sinabi niya 'I love you lola, I love you lola, uwi ka na, manonood tayo ng K-drama," sabi ni Jean.

"Si Kotaro nga actually medyo praning noong malaman niyang positive si lola, iyak siya nang iyak tapos sabi niya, 'Naku mama, palagi pa naman kaming magkatabi ni lola,' kasi nga nanonood sila ng K-drama ni lola," dagdag ni Jean.

"Tapos kapag meron siyang K-pop na gustong panoorin, kunwari BTS, Stray Kids, NCT, kasama si lola, nakiki-join sa kaniya si Lola. Kapag gusto niyang panoorin 'yung Blackpink kasi crush niya si Jennie, [tinutukso] siya 'O bagay kayo ni Jennie.' Ganoon si lola."

"Kaya si Kotaro, kahit nagpa-family quarantine kami, in-isolate niya sarili niya, hindi siya lumalabas ng kuwarto," ayon sa aktres, kung saan sinabi niyang inisip din ni Kotaro ang kapakanan ng kanilang pamilya. "Ganoon naman ka-sensitive ang aking anak."

Si Jennica naman, close rin kay Mommy Sandy dahil pareho raw silang may third eye.

"Si mommy kasi sinasabi niya na may nakikita siya, may third eye siya, nakuha raw ni Jennica 'yon. So sila ang nag-uusap about 'yung third eye nila, sila lang ang nagkakaintindihan kaya sobrang close nila," ayon pa kay Jean.

"Sabi nga niya 'Lola you're gone too soon, hindi ka na na-experience nina Mori. Sana nga raw sina Mori at saka si Alessi nasa tamang isip na bago nawala si lola kasi marami pa raw matututunan 'yung mga anak niya kay mommy," pag-alala ni Jean na sinabi ni Jennica.

Pumanaw sa COVID-19 si Mommy Sandra nitong simula ng Abril.

Ikinuwento ni Jean na maliban sa paghina sa pagkain, walang ibang palatandaan ng COVID-19 na ipinakita ang kaniyang 70-anyos na ina.--FRJ, GMA News