Gumawa ng kasaysayan ang Pinoy pop group na SB19 nang maging nominado sila sa Top Social Artist category ng Billboard Music Awards 2021 kahanay ng iba pang sikat na international artists tulad ng BTS at Blackpink.

Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GTV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing ang SB19 ang unang Pinoy group na nominado sa BBMA.

Kahanay ng grupo sa nomination ang iba pang bigating K-pop at international act tulad ng BTS, Blackpink, Seventeen at si Ariana Grande.

Ang Filipino-American vlogger na si Bretman Rock ang nag-announce ng kanilang nomination, na inihayag ang kaniyang pagiging proud sa grupo.

Bumuhos ang suporta mula sa A'TINs nang mag-trend sa Twitter Philippines ang #SB19forBBMAs.

Bukod dito, nakatanggap din ang SB19 ng pagbati mula sa US embassy sa Pilipinas.

Nominado rin para sa Top R&B song ang kantang B.S. ni Jhené Aiko, featuring ang may dugong Pinoy na si H.E.R.--Jamil Santos/FRJ, GMA News