Kabilang ang Kapuso na si Rita Daniela sa mga nominado bilang Best Actress sa 11th International Film Festival Manhattan sa New York.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing nakuha ni Rita ang nominasyon para sa pelikulang “In the Name of the Mother.”

Hindi napigilan ni Rita na maging emosyonal na mapabilang sa mga pagpipilian sa naturang katergorya.

“The fact na napansin ako, na-appreciate nila yung trabaho ko dun sa pelikula na 'yon, ano siya...nakakakilig. Kaya ako naiyak kasi nakakakilig, nakaka-excite, nakakatuwa," ayon sa aktres.

Kasama ni Rita na nominado sa naturang kategorya si Snooky Serna na kasama niya rin sa pelikula.

Ang direktor naman nila na si Joel Lamangan ay nominado bilang best director.

Nagpapasalamat si Rita kay direk Joel dahil sa ginawang patnubay nito sa kaniya at pagtitiwala sa kaniya.

“First ko na narinig sa kaniya na, ‘Congratulations. You did great in this movie.' Sabi  niya, 'Congratulations in advance. Thank you for giving a good work,’” kuwento niya.

“Yon yung naalala ko kaya naiyak na lang ako nung nakita ko yung nomination. Kasi sabi ko, 'Ah ok. Mukhang totoo nga yung sinabi ni direk Joel," magkahalong emosyon na sabi pa ni Rita.

Kasalukuyang naka-lock-in taping si Rita para sa kaniyang GMA series na “Ang Dalawang Ikaw,” kasama si Ken Chan.– FRJ, GMA News