Nilinaw na ni Michael V. ang mga espekulasyon na lilipat siya ng ibang network at ano ang mangyayari sa kaniyang programang “Pepito Manaloto.”

Sa latest vlog ni Bitoy, tawag din kay Michael V, sinabi ng aktor na hindi pa matatapos ang "Pepito" at hindi rin siya aalis ng GMA.

“Hindi po totoong mawawala na sa ere ang Pepito Manaloto at hindi rin ako lilipat ng ibang network,” pahayag niya.

ADVERTISEMENT

Ang Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento, ay mayroon pa raw book 2. 

Nagiging mahirap lang umano ang taping na kanilang ginagawa dahil na rin sa COVID-19 pandemic.

“Alam iyan ng mga totoong fans ng Pepito Manaloto na pinanood at inintindi yung mga episodes na napanood nila,” anang aktor.

“Dahil ayaw tayo lubayan ng COVID, we decided na isara na yung chapter 1 ng Book 2 para makapagbukas ng chapter 2,” dagdag niya.

Sinabi rin niya na mayroon siyang kontrata sa GMA kaya hindi siya lilipat at hindi siya naghahanap ng ibang network.

"More than the fact na loyal ako sa network, mas loyal ako sa audience namin," ani Bitoy.--FRJ, GMA News