Flattered si Anna Vicente tungkol sa napapansin ng netizens na kahawig niya ang bagong Kapuso na si Bea Alonzo.

"Madami pong nagsasabi 'yung kay Bea po, at siyempre, happy ako ngayon na nasa GMA na po si Ms. Bea Alonzo and ka-look alike ko talaga siya 'di ba?" sabi ni Anna sa Kapuso Showbiz News.

Kaya naman inihayag ni Anna na gusto niya ring makatrabaho sa hinaharap ang premyadong aktres.

"Baka naman, GMA? Dream ko po makatrabaho si Ms. Bea. Ang dami ko pong nababasa sa comments lagi na kahawig ko daw po si Ms. Bea Alonzo. Siyempre nakaka-flatter," patuloy niya.

Bukod dito, napansin din ng ilang fans ang pagkakahawig Anna sa English actress na si Emma Watson.

"Grabe naman 'yun," sabi ni Anna.

"Medyo kailangan pa ng konting humpak sa face. Pero siyempre, flattered po and minsan akala ko binobola lang ako ng mga tao na kamukha ko si Emma Watson. Pero kapag dumadami na 'yung mga nagsasabi, parang napi-feel mo na rin. So okay sige po, thank you," dagdag ni Anna.

Gumaganap si Anna bilang ang kontrabidang si Beatrice sa "Ang Dalawang Ikaw," na pinagbibidahan nina Ken Chan at Rita Daniela.--FRJ, GMA News