Hindi napigilan ni Aiko Melendez na maging emosyonal matapos niyang gawin ang huli niyang eksena sa upcoming Kapuso series na “Prima Donnas” Season 2.

Sa video clip sa naging farewell ceremony ng cast at crew ng serye, naging madamdamin ang mga mensahe ng actress-director na si Gina Alajar para kay Aiko.

"We are so happy na magaang kang kasama. We are so happy dahil nakasundo mo ang lahat pati mga bata. We are so happy, when you're on the set, you're so magaan," sabi ni Direk Gina.

"When you're on the set, wala kang reklamo. Truly, totoo 'yan. Madali kang pakiusapan, madali kang namang sabihan na, 'One more shot, one more shot' and you're willing to do that," dagdag niya.

 

 

Sinabi pa ni Direk Gina na nais nilang makatrabaho pang muli si Aiko pagkatapos ng “Prima Donnas.”

"Hanggang matapos ang 'Prima Donnas,' ikaw ay palagi naming kasama in spirit. And your memories will remain with us, and we hope to see you soon, we hope to work with you again,” pahayag niya.

Naiyak naman si Aiko habang pinapakinggan ang mga mensahe para sa kaniya.

Nagpasalamat din siya sa lahat ng kaniyang nakatrabaho, lalo na kay Direk Gina na itinuring na niyang ina.

"First of all, I'd like to thank everyone from the cast down to the crew, and the director who I'll miss so much," anang aktres.

“Because [Gina] became my mother here, especially when my father died, you were there for me," dagdag ni Aiko.

Pumanaw ang stepfather ni Aiko na si Dan Castaneda nitong nakaraang Pebrero dahil sa komplikasyon ng COVID-19.

Magmarka ang karakter ni Aiko bilang ang kontrabidang si Kendra sa "Prima Donnas." —FRJ, GMA News