Hindi pa rin nagkakausap sina LJ Reyes at Paolo Contis matapos silang maghiwalay.
Sinabi ni LJ sa panayam ni Boy Abunda, na hindi siya nakatanggap anumang komunikasyon kay Paolo kahit man lang pag-usapan ang tungkol sa kanilang anak.
Sa kabila nito, bukas pa rin si LJ na patawarin ang aktor dahil batid niyang makabubuti ito para na rin sa kaniyang sarili at bilang isang ina.
“Pinagdadasal ko na mapatawad ko siya ‘cause I know that if I don’t forgive him, this very dark emotion will just eat me up and I won’t be able to move on, forward with my kids nang maayos,” paliwanag niya.
“Siyempre may pain pero for me to at least make decent decisions that will benefit my kids, I really have to set aside all those negative emotions which is very difficult,” dagdag ni LJ.
Sa pahayag na inilabas ni Paolo noong nakaraang buwan, humingi siya ng patawad sa mga nasaktan niya, pati na kay LJ, dating asawa na si Lian Paz, at sa kaniyang mga anak.
Aminado ang aktor na may third-party na kasangkot sa paghihiwalay nila ni LJ, bagay na ayaw nang bigyan ng pansin ng aktres.
Matapos isiwalat ni LJ ang paghihiwalay nila Paolo, lumipat patungong Amerika ang aktres, kasama ang dalawa niyang anak na sina Aki at Summer.--FRJ, GMA News

