Inihayag ni "Hipon Girl" Herlene Budol na tatlong taon na siyang masaya sa kaniyang relasyon sa kaniyang nobyo.

"Shoutout sa'yo Troy! I love you!" sabi ni Herlene tungkol sa kaniyang nobyong si Xam Troy Bello sa The Boobay and Tekla Show.

"Nakilala ko 'yan sa dating app, sa Tinder ko 'yan nakilala," paglalahad ng comedianne.

Kuwento ni Herlene, agad niyang nakapalagayan ng loob si Troy sa kanilang pag-uusap sa dating app.

"Saglit lang kasi gusto kong makaluwas ng Maynila no'n tapos sabi niya taga-Paco, Manila siya. Tapos sabi ko 'Angas no'n ah, malapit ka ba sa Quiapo?' Eh gusto kong makapunta ng Quiapo, gusto ko siya na lang kasama ko,'" sabi ni Herlene.

Ayon kay Herlene, ramdam niya ang pagmamahal ng kaniyang nobyo kaya umabot na sila ng tatlong taon.

"Hindi 'yan tatagal sa akin ng tatlong taon kung hindi niya ako mahal." — Jamil Santos/VBL, GMA News