Sisimulan ng Kapuso stars na puno ng pag-asa ang 2022 bilang kanilang "note to self." Ayon sa ilang Kapuso celebrities, walang magagawa ang takot dahil mas makadadagdag lang ito sa anxiety.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, inihayag ng ilang Kapuso stars na empowered sila sa 2022 dahil sa dami ng aral na pinagdaanan noong nakaraang taon sa gitna ng pandemya.

Go-getter pa rin pagdating sa kani-kanilang mga karera ang Gen Z stars. Pero nagpayo silang maging maingat pa rin sa COVID-19.

"Siguro 'yung mas patuloy ko pa rin ilalaban 'yung takot ko sa virus, nang safe ako at nag-iingat ako. Alam ko nakatatakot pero, naku huwag tayong pakakain sa takot. Kailangan nating maging maingat at maging safe tayong lahat ng family natin," sabi ni Paul Salas.

"I'm just gonna put in a lot of good pressure sa sarili ko when it comes to my career. So I hope 2022 will be exciting and sana 2022 ay lahat na tayo maka-adapt to a new normal," sabi ni Kyline Alcantara.

Ayon sa ilang Kapuso celebrities, hindi rin dapat magpadala sa takot dahil mas makadadagdag lang ito sa anxiety.

Dagdag nila, mas mahalaga pa ring tama ang impormasyon na nakukuha at huwag maging pabaya.

"Instead of living in fear, kailangan lang din nating maging wise with our decisions, 'yung pagiging responsible, pagsunod sa protocols and all that. But instead of living in fear, mas magiging hopeful na lang tayo for what is to come," ani Joyce Ching.

Bukod dito, humanap din ng pagtutuunan ng pansin at pagmamahal, dahil ang inspirasyon ang magpapaalala sa mga tao na dapat maging safe palagi.

"Nagkakaroon ng muang pakonti konti 'yung anak ko kaya nae-excite ako kasi siyempre ito 'yung year of firsts. Kaya kaming dalawa ng wife ko we just want to be there for Liam," sabi ni Juancho Trivino.

"Alam po namin maganda ang simula ng 2022. Kaya lagi ko rin pinag-[pray] 'yan para rin sa baby ko, mas inspired ako ngayon," sabi ni Rodjun Cruz.

"The very simple protocols, it's common sense, 'yun lang. 'Pag mahal mo sarili mo, mahal mo ang mga kamag-anak mo, gagawin mo lahat to protect everyone," sabi ni direk Ricky Davao.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News