Maraming manonood ng Kapuso series na "First Lady" ang naiinis sa mga kontrabida sa buhay ni "Melody." Ano kaya ang reaksyon ng mga kontrabida kapag nalaman nila ang "mean" comments sa kanila ng netizens?

Kabilang sa nagbibigay ng sama ng loob kay Melody, na ginagampanan ni Sanya Lopez ay sina Analyn Barro, Isabel Rivas at Glenda Garcia.

Pero ang pagkainis o pagkagalit ng fans ng serye ay palatandaan umano na epektibo ang pagganap ng mga kontrabida sa kanilang mga karakter.

Gumaganap si Analyn bilang si Gemrose, ang naiinggit na kapatid ni Melody. Habang gumaganap naman si Isabel bilang si Senadora Allegra Trinidad, isang dating first lady na gumugulo sa buhay ng kasalukuyang First Lady.

Si Glenda naman ay si Marni Tupaz, isang reporter na kasabwat at bayaran ni Trinidad para siraan sina Melody at asawa niya na si Presidente Glenn Acosta (Gabby Concepcion.)

Ano ang masasabi nina Analyn, Isabel at Glenda sa nanggigigil na komento ng mga manonood sa kanilang mga karakter? Panoorin sa video. --FRJ, GMA News