Inilahad ni Richard Gomez ang payong ibinigay niya sa kaniyang anak na si Juliana Gomez ngayong nasa tamang edad na ito para mag-nobyo.

"Ako naman, hindi ko naman pinagbabawalan si Juliana na mag-boyfriend. Talagang darating 'yung time na may manliligaw siya, darating 'yung time na magkakaroon talaga siya ng boyfriend. So sino ba naman ako para pumigil? Tatay lang naman ako," sabi ni Richard sa isang panayam.

"Napagdaanan ko rin 'yun. So imbes na pagbawalan mo, let them be lang. Basta ang importante, nirerespeto niya si Juliana tsaka aalagaan si Juliana. Hindi sinasaktan, hindi sinisigawan. Sa akin gano'n lang eh," dagdag ni Richard.

Biro ni Richard, huwag daw humanap si Juliana ng isang lalaking katulad niya noong binata pa siya.

"But sinabi ko sa kaniya, 'Kung magbo-boyfriend ka, huwag kang hahanap ng katulad ni Richard Gomez. Pero kung mag-aasawa ka, humanap ka ng katulad ni Richard Gomez.'"

Sinabi ni Richard na hindi rin siya nakaiwas sa mga tukso noong binata pa siya at nag-aartista.

"'Yung difference ng boyfriend tsaka ng asawa. Kasi noong boyfriend ka, siyempre hindi ka pa naman kasal. You're free as a bird 'di ba? Tapos binata pa ako, artista pa. Hindi naman maiiwasan na, siyempre may mga chicks chicks na lumalapit 'di ba?" kuwento ni Goma.

"Alam mo naman ako mapagbigay naman ako eh. I'm a very sharing person. I share what I have. Pero noong nag-asawa na ako, si Lucy lang can have me," biro pa niya.

Sa ngayon, hinahayaan na niya si Juliana na gumawa ito ng sariling pasiya tungkol sa pakikipagrelasyon.

"Sabi ko kay Juliana na, she's of age already, nasa age of responsibility na siya, ikaw na 'yung mag-isip para sa sarili mo. Alagaan mo ang sarili mo, piliin mo kung sino talaga 'yung gusto mo. Pero hindi ka namin sasabihan na 'Ayaw namin 'yan, ito 'yung gusto namin.' It's really up to her."

Inilahad din ni Richard na may nobyo na ang kaniyang anak, at nakaka-bonding din niya ito sa fencing na kaniyang sport.

"Tsaka 'yung boyfriend niya na 'yun nagfe-fencing din 'yun eh. So nakakalaban ko, nakakalaro ko rin sa fencing."

Pinayuhan din ni Richard si Juliana na pumili ng lalaki na hindi siya sasaktan.

"Basta ang sabi ko lang, ang importante lang na, number one kapag nagka-boyfriend ka, huwag ka lang sasaktan."

"Siyempre sinaktan ka, gugulpihin ko kung sino mang lalaki 'yon. Kasi ako hindi ko sinasaktan si Juliana, hindi ko sinasaktan si Lucy."

Si Juliana ang nag-iisang anak nina Richard at Lucy.

Dati nang inihayag nina Richard at Lucy na kaloob ng Diyos ang pagkakaroon ng anak. Pero masaya na sila sa pagkakaroon ng maliit na pamilya.

“Masaya naman kami kung kaming tatlo lang, ano lang kami tawa lang kami nang tawa. We talk about so many things in life, we talk about ano ba ’yong gusto naming gawin, ano ba ’yong future plans natin,” sabi ni Richard.

“You know, it’s a small happy family. Kaya nga si Lucy pag magkakasama kaming tatlo, sasabihin niya, ‘look at us, our small family.’ Tatlo lang kami, isang lamesa lang kami,” dagdag niya. —LBG, GMA News