Hindi na naitago ni Maja Salvador ang emosyon at naiyak siya sa tuwa sa "Eat Bulaga" episode nitong Lunes.

Sa bagong segment na “Bida Next,” ang talent search contest para sa susunod ng host ng show, naglitanya ang mga Dabarkads na sina Wally Bayola, Ryzza Mae Dizon, Paolo Ballesteros, Jose Manalo, at Allan K kung papaano nagbago ang kanilang buhay sa “Eat Bulaga.”

Bigla namang nagtago ang bagong dabarkads na si Maja sa likod ni Allan K, at naluha.

“Sorry po, siguro sobrang overwhelmed lang ako last Saturday sa [Dancing Kween grand finals] segment na ibinigay ng ‘EB.’ And now, pine-present niyo ko na one of the Dabarkads, so parang nag-si-sink in bigla,” magkahalong saya at emosyonal na pahayag ni Maja, na binansagang "Queen of the Dance Floor."

Sabi ni Allan K, “Kung 'di niyo kasi alam, pangarap ni Maja talaga ‘to na natupad, ngayon emotional siya.”

Dagdag naman ni Maja, “From bata na nakikinood lang sa kapitbahay, fan ng Little Miss Philippines—and now nandito, binigyan ng segment. Grabe yung love and support na binibigay. Tapos itong may segment pa ng ‘Bida Next,’ parang parte ng Dabarkads talaga.”

Oktubre nitong nakaraang taon nang ipakilala si Maja bilang bagong host ng longest-running noontime show.

Inialay pa noon ni Maja ang kaniyang first dance performance sa Eat Bulaga para sa kaniyang mommy na isa ring fan ng programa. — FRJ, GMA News