Nag-trend sa Twitter Philippines ang pilot episode ng bagong Kapuso series na "Maria Clara at Ibarra," na pinagbibidahan nina Barbie Forteza, Julie Anne San Jose at Dennis Trillo.

Sa ulat ng “Unang Balita” nitong Martes, sinabing pasok sa trending ang #MariaClaraAtIbarra.

Sa pilot episode nitong Lunes, nakilala na ang karakter ni Barbie bilang ang working nursing student na si Maria Clara Infantes o Klay.

Napanood din ang buhay ni Klay at ng kaniyang pamilya, at ang kaniyang pagsisikap na makaahon sa hirap.

Ipinakita rin kung paano kinuwestiyon ni Klay ang kahalagahan ng asignaturang Rizal sa kaniyang pagiging nurse sa hinaharap.

Isang Gen Z si Klay, na magically magta-time travel sa nobelang “Noli Me Tangere” ni Gat Jose Rizal. — Jamil Santos/VBL, GMA News