Sinabi ng retired PBA cager na si Marc Pingris na hindi niya napigilang mapaluha sa saya nang sabihin sa kaniya ng asawang si Danica Sotto na magkakaroon na sila ng ikatlong anak.
Sa isang episode ng "Surprise Guest with Pia Arcangel,' ikinuwento ni Marc na sa mismong Father’s Day nang sabihin sa kaniya ni Danica ang masayang balita.
“Pauwi siya nung time na 'yon, ‘Oh bakit parang malungkot ka?’ Gumanun ako sa kaniya. ‘Wala lang.’ Tapos may binigay na sulat sa akin, may inabot siya, e nung binasa ko positive, sabi ko, ‘May COVID ka?’ So buntis siya. Parang wala pa sa akin... kundi umiyak na lang ako,” patuloy ni Marc.
Very healthy at halfway na raw sa pagbubuntis si Danica. Ngunit imbis na ang aktres, si Marc daw ang nakararamdam ng paglilihi.
“Parang ako yung naglilihi, parang gusto ko ng matamis. Hindi ko alam kung totoo ba 'yon, ‘yung parang ako yung naglilihi kapag andiyan siya. Kunwari sabi nila kapag may kinain siya tapos tinikman mo parang ikaw na yung maglilihi, ‘yung mga ganun. Kahit sa gabi, 'Beh bilhan mo nga ako ng chicha, beh, bilhan mo ko ng ice cream, beh bilhan mo ng ganito.' Kung anu-ano na lang kinakain,” saad ni Marc.
Ayon kay Marc, pinaplano talaga nila ang magkaroon pa ng isang anak. Nasa 10 taon daw kasi ang pagitan ng kanilang bunso ngayon at panganay na babae.
Nagdiwang ng 15th wedding anniversary sina Danica at Marc nitong Marso. Una silang nagkita noong October 2005 at ikinasal noong 2007. Biniyayaan sila ng dalawang anak, sina Jean Michael and Anielle Micaela.--FRJ, GMA News
