Sa isang panayam sa Kapuso Mo, Jessica Soho noon 2016, naikwento ni Danny Javier kung bakit naisip niyang panahon na para tumigil sa pag-kanta ang grupo nilang APO Hiking Society.

Ayon kay Danny, hindi na siya muling umawit kasama sila Jim Paredes at Buboy Garovillo.

"I sing once in a while when the situation calls for it," sabi ni Danny.

Isang halimbawa, sabi niya, ay kung may programang magkasama sila ni Buboy at hinihingi ng tao.

Matapos malagpasan ang malubhang sakit, pinili na ni Danny na mabuhay ng pribado.

Noong may narinig siyang babalik ang APO sa pagkanta kung sila'y bibigyan ng tseke, muntik na daw itong sagutin ni Danny.

"Baka hindi ka pa nakakita ng taong may isang salita... Nagbigay na ko ng salita, e."

Ayon kay Danny, hindi sila nag-away ng mga kasama sa APO.

"Hindi kami nag-away. As a matter of fact, the reason why I said it was about time to quit kasi I wanted to keep the relationship," sabi ni Danny.

Anong sikreto na matapos ang mahigit 40 na taon, naghiwalay ang APO Hiking Society nang walang away?

"Naghiwalay kami. Di walang away," sabi ni Danny.

Nang tanungin si Danny kung kakanta siya kasama ang APO kung may hihiling, ngumiti lang ito at kumaway.

"It's one and done. What's the next phase in my life. Buhay pa naman ako, e," sabi ni Danny.

Kinumpirma nitong Lunes ng kanyang anak na si Justine Javier Long ang pagpanaw ng batikang mang-aawit sa edad na 75.

Mga kumplikasyon dahilan ng kanyang mga sakit ang dahilan daw ng kanyang pagyao.

"In life, as in his death, our Pop never stopped fighting for what he loved, what he believed in and what he was passionate about. He left this world with his passion and his strength of will intact and we know he would not have it any other way," sabi ni Justine sa Facebook. —NB, GMA News