Bukod sa nakapasyal sa headquarters ng Charles & Keith, pinadalhan din ng  Singaporean fashion company ng dalawang customized bags ang viral Pinay teenager na na-bash sa social media nang tawagin niyang "luxury" ang naturang brand.

Sa TikTok post niya nitong Sabado, ipinost ni Zoe Gabriel ang unboxing video ng dalawang bag na ipinadala sa kaniya ng Charles & Keith.

"To everyone who has shown their support and endless kindness, this is for you," sabi ng 17-anyos na dalaga sa caption ng video.

"You have made things happen for me [I] never thought possible, taught me lessons [I] will never forget, and have given me so many valuable memories," dagdag niya.

Niregaluhan ng Charles & Keith si Zoe ng dalawang rendition ng kanilang iconic Gabine bag na personalized para sa dalagita.

"We hope that it will remind you of this special moment where you inspired so many others to be kind, compassionate, and confident," saad sa sulat na ipinadala kay Zoe.

Una rito, inimbithan ng Charles & Keith si Zoe na bumisita sa kanilang headquarter sa Singapore, at nakasalo pa niya sa pananghalian ang nagtatag ng naturang brand.

Ang Charles & Keith ay isang Singaporean fashion brand na itinatag noong 1996, at mayroong mahigit 600 sangay sa buong mundo. —FRJ, GMA Integrated News