Grupo ng Pinoy psychics at feng shui masters ang naglaban sa isang episode ng "Family Feud Philippines." Pero bago sila maghula ng mga sagot,  ano kaya ang kanilang "vibes" para sa naturang game show? Alamin.

Ipinakilala ng host ng show na si Dingdong Dantes ang kilalang visionary na si Rudy Baldwin, team captain ng Pinoy psychics.

Kasama niya sa grupo sina Tony Vega, JV Yap, at Erwin Fernicol.

Ang katunggali nilang Feng Shui Masters, pinangunahan naman ni Hans Cua, kasama sina Aileen Melegrito, Lois Alog, at Laurence Yap.

Ayon kay Cua, sa taong Year of the Rabbit ngayong 2023, sinabi nito na mas marami pang commercial, marami pang blessing at marami pang matutulungan ang programa.

Kaya sabi ni Dingdong, "Game na game ako diyan basta sharing ng blessing."

Ipinaliwanag naman ni Rudy na isa siyang visionary at nakikita niya ang mangyayari sa hinahanap sa pamamagitan ng physical touch o paghawak sa kamay.

"Siguro ang saya-saya ko 'pag yung araw na 'yon ikaw ang ma-reading ko. Baka hindi ko na bitawan [ang kamay]," biro ni Rudy kay Dingdong.

Tinanong na rin ni Dingdong si Rudy kung ano ang nakikita niya para sa show.

"Nung tinawagan ako talagang binavibes ko po kayo. Maniwala man kayo sa hindi this show will be awarded. Mark my word," pagtiyak ni Rudy.

Sabi naman ni Dingdong, "Sana naman po."

Na dinugtungan ni Rudy na, "Hindi sana, walang sana, kasi mangyayari talaga."

Pero anong grupo kaya ang mas malakas ang suwerte o mas mahusay manghula sa mga sagot para manalo ng posibleng hanggang P200,000? Ang Pinoy psychics kaya o mga feng shui masters? Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News