Nagsalita sina Lexi Gonzales, Elijah Alejo at Hailey Mendes tungkol sa ilang mga puna na oversensitive umano ang kanilang henerasyon na Generation Z o Gen Z.

"Actually, we're not a snowflake generation. Rather we are a generation that's empowered enough to speak our minds. We will not take anything from anyone, na if na-offend kami, sasabihin namin. We have the courage and we have the strength," sabi ni Lexi sa Updated with Nelson Canlas podcast, na mapapanood din sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado. 

"May mga bashers talaga eh. [Nagbago] na rin 'yung mindset ko na, I'll do me. Kung magustuhan man nila or hindi, eh 'di bahala sila, ito ako eh," sabi ni Elijah.

Para kay Elijah, iniisip lamang ng mga Gen Z ang kapakanan at nararamdaman ng ibang tao.

"Iniisip na nila ngayon 'yung mga iba like, 'Hala, is this offensive?' and we aren't afraid to kumbaga call out people na nakakagawa ng offensive na bagay. Kahit hindi naman necessarily kami 'yong na-o-offend," sabi ni Elijah.

Sinabi naman ni Hailey na maaaring iniisip ng iba na sensitive sila dahil pinagtutuunan nila ang maraming usapin, ngunit ito rin ang nagbibigay sa kanila ng empowerment, lalo na para sa mga kababaihan.

Bida sina Lexi, Elijah at Hailey sa Kapuso afternoon series na "Underage," na tungkol sa Serrano sisters na maraming matututunan sa pagsabak sa buhay.

Kabilang na rito ang mga intrigang hango rin sa tunay na buhay ngayong marami ang tutok sa social media.

"Ang lesson na natutunan ko po talaga rito is maging maingat po sa bawat gagawin sa social media kasi [think before you click]. Mag-research tayo ng sarili natin bago tayo mag-judge ng mga tao," sabi ni Hailey. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News