Nagpapasalamat si Ysabel Ortega dahil sa kabila ng mga naging problema sa kaniyang pamilya, nasa mabuting kalagayan ang relasyon nila ng kaniyang ama na si Senator Lito Lapid.

Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, sinabi ni Ysabel na kadalasang nagugulat ang ilang mga tao kapag nalalaman nilang anak siya ni Senator Lapid.

“Usually nagugulat sila kasi ako naman din po, unless people know about it or people ask, I never really talk about it,” sabi ni Ysabel.

Kuwento ni Ysabel, close siya sa kaniyang ama noong bata pa siya, ngunit hindi naiwasan na magkaroon ng hindi pagkakaintindihan sa pamilya.

“Growing up I was very close to my dad, I always talk about it, I’m always grateful for it. Of course there was a time, for people who knew about it, there was a rough patch po. Pero, it always happens with family,” saad ng Voltes V: Legacy actress.

Sa kabila nito, “okay” sila ng kaniyang ama.

“Palagi namang nagkakaroon ng hindi pagkakaintindihan sometimes but grateful ako kasi now we’re okay. We get to talk with each other, we see each other from time to time. What matters is now, and I am grateful for what we have,” sabi ni Ysabel.

Suportado rin si Ysabel ng kaniyang ama sa pag-aaral niya ngayon ng abogasya.

Si Ysabel ay anak ni Senator Lapid at ng dating singer na si Michelle Ortega.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News