Patay na nang makita ng mga room boy sa kuwarto ng isang lodging house sa Iloilo City, ang isang babaeng masahista na nag-check in kasama ang isang lalaki.

Sa ulat ni Zen Quilantang sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing Sabado ng umaga nang makita ang bangkay ng 39-anyos na biktima.

Ayon sa pulisya, may sugat ang biktima sa tiyan at tagiliran, may mga pasa sa mukha at bakas ng dugo sa ulo.

Suspek sa krimen ang lalaki na kliyente ng biktima na kasabay umano nitong nag-check in sa naturang establisimyento dakong 3:00 am.

Pero pagkaraan ng ilang oras, una umanong umalis ang lalaki. Nang tingnan ng mga room boy ang kuwarto, nakita nila ang bangkay ng biktima sa sahig.

Ayon sa pulisya, posible umanong panggagahasa o pagnanakaw ang motibo ng salarin. Nawawala rin daw ang cellphone at pera ng biktima.

Lumitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na unang nagtungo ang suspek sa spa kung saan nagtatrabaho ang biktima.

Sinabi ng may-ari ng spa, na nagpaalam umano ang biktima na lalabas dahil nais umano ng kliyente na mag-extend ng massage service sa kalapit na lodging house.

Aalamin ng mga awtoridad kung dati nang magkakilala ang biktima at ang suspek. Ngunit ayon sa may-ari ng spa, bagong kliyente lang nila ang lalaki.

Inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek, na nakuhanan ng CCTV camera na kasama ang biktima na naglalakad bago maganap ang krimen. --FRJ, GMA Integrated News