Ibinahagi ng Taiwanese TV host na si Dee Hsu ang kaniyang pagluluksa kaugnay ng pagkamatay ng kaniyang kapatid na si Barbie Hsu, at sinabing sinisisi niya ang sarili sa paggiit na ituloy ng kanilang pamilya ang Japan trip bago ang trahedya.

Sa isang episode ng kaniyang talk show na "Dee Girls Talk," binalikan ni Dee kung paano naplano ang kanilang bakasyon, at ibinahaging kakaiba para kay Barbie na pumayag na sumama sa travel.

"Usually, Barbie would say she was tired and not want to go. But this time, she insisted we must go," pag-alala niya, batay sa salin ng AsiaOne.

Sinabi ni Dee na tinutulan ng kanilang ina ang biyahe noong una, na ipinuntong natapat ito sa mga araw ng Chinese New Year kung kailan mas mahal ang mga flight at maraming tao sa mga tourist spot.

Sa kabila nito, itinuloy nina Dee, Barbie, at ng kanilang panganay na kapatid na si Shi-hsien ang plano, na umaasang makakapaglaan sila ng oras sa isa't isa habang malaya ring nakakapag-travel ang kanilang mga anak.

"I was the one who initiated the trip first," pag-amin ni Dee. "So, whenever we miss Barbie and talk about her, I would tell my mum, 'It's all because I insisted on the trip then.'"

Idinagdag niya na pinakalma siya ng kaniyang ina na huwag na niyang sisihin ang sarili, at ipinapaalalang lalo lamang siyang mahihirapang umusad kung magpapatuloy siya rito.

"But this is the fact," sabi ni Dee. "So I can't help but wonder, 'Why didn't I listen to my mum at the time?'"

Ibinahagi rin ng TV host kung paano niya hinaharap ang pagkawala ni Barbie, at ibinahaging bumabaling siya sa panonood ng mga drama at pagiging abala sa mga gawaing nangangailangan ng patutok.

“At the time, I hoped I could sleep constantly… I didn't want to wake up and face the world," sabi niya.

Pumanaw si Barbie sa edad 48 noong nakaraang taon dahil sa pulmonya. Dati nang sinabi ni Dee na nagkatrangkaso o flu si Barbie habang sila'y nasa Japan, na siya namang nauwi sa pulmonya.

Kilala ang Taiwanese actress sa kaniyang pagganap bilang si Shan Cai sa "Meteor Garden."

Kasunod ng kaniyang pagpanaw, nagbahagi ng taos-pusong pagpupugay ang mga co-star na sina Jerry Yan, Ken Chu, at Rainie Yang. — VDV GMA News