Ibinahagi ni Camille Prats ang pagiging very protective sa kaniya ng kapatid na si John noong kabataan nila at magkasama pa sila sa mga TV project. Ito kaya ang dahilan kaya hindi niligawan ng mga taga-showbiz ang aktres? 

“Yes. Kasi I remember growing up… Well even naman until now, growing up we were really the best of friends, kasi magkasunod kami," kuwento ni Camille sa pagiging protective ni John sa kaniya nang makapanayam ang aktres sa podcast na “Surprise Guest with Pia Arcangel.”

"Para talaga kaming kambal and people would often mistake na ako ‘yung mas matanda sa kaniya ‘cause we’re only just a year apart,” sabi pa ni Camille.

Dahil sa kasama niya ang kaniyang kuya sa trabaho, para daw family thing kaysa sa trabaho ang kanilang ginagawa.

Nagkasama sina Camille at John sa ilang mga youth-oriented show noong kanilang kabataan.

“Enjoy ko talaga kasi para lang kaming magbabarkadang nagtatrabaho tapos kasama ko pa ‘yung kuya ko,” ani Camille.


Ngunit biro ni Camille sa kaniyang sarili, isa ito sa dahilan kung bakit bihira siyang ligawan ng mga lalaking kasamahan nila ni John sa showbiz.

“Ang downside lang no’n na hindi ko na-enjoy is that, wala masyadong nanligaw sa akin na mga artista kasi feeling ko, hinarangan ng kapatid ko, o ‘yung presence niya alone made probably some guys feel a little awkward, ‘Ah kapatid ni John ‘yan, hindi ‘yan talo,’” natatawang sabi ng “AraBella” star.

“Siguro kaya walang mga nanligaw sa akin,’ or baka wala lang talagang may gusto,” sabi pa ni Camille.

Kaya naman kung may lalaking nagbabalak dumiskarte kay Camille, dadaan daw muna ito kay John.

“Siya talaga ang kino-close. Siya ‘yung bini-BFF ng guys. Bago nila sasabihin na okay lang akong ligawan,” sabi niya.

Ngunit pagdating daw kay John, puwede itong manligaw ng taga-showbiz, at si Camille pa ang gumagawa ng paraan para maging ka-close ng aktor ang mga natitipuhan nito.

“Ako pa ‘yung tulay. Ang suwerte niya ako pa ‘yung tulay, pero kapag ako, cannot. Nagagalit talaga siya,” sabi ni Camille.

Ayon kay Camille, mataas ang respeto niya sa kaniyang kuya, kaya sinusunod niya ito.

“Growing up I remember, not naman scared, but I respect my brother to a point that if he says ‘no’ or if I see him upset over something, no talaga ‘yun for me. I would always value our relationship over anything else,” saad niya.


-- FRJ, GMA Integrated News