Tila naging kasama ni Maxene Magalona sa biyahe habang nasa Grab car ang kaniyang namayapang ama na si Francis Magalona dahil pinapatugtog ang banayad na awitin ng Master Rapper na "Cold Summer Nights.”
Sa video na ipinost ni Maxene sa Instagram, madidinig ang pagsabay ng aktres sa awitin ng kaniyang ama.
Sabi ng Grab driver kay Maxene, “Idol na idol ko po papa niyo.”
“Awww, salamat kuya,” tugon naman ni Maxene. “Nagpaparamdam siya sa ‘tin.”
Sa pagsabay ni Maxene sa awitin, pinalitan niya ang bahagi ng liriko nito at sinabing, “I miss you papa, I need you here.”
Saad naman ni Maxene sa caption ng kaniyang post, “Salamat sa solid sound trip, kuya! Hello, Papa!”
Pumanaw ang Master Rapper na si Francis noong 2009 dahil sa leukemia.
Kabilang sa mga hit song niya ang “Mga Kababayan,” “3 Stars and a Sun,” at “Ito ang Gusto Ko.”
READ: Jose Manalo, hindi nakilala si Arkin na anak ni Francis Magalona
Kamakailan lang, naging bisita sa Eat Bulaga ang kapatid ni Maxene na si Arkin, na hindi nakilala ni Jose Manalo dahil binatang-binata na ito.
Isa na ring music artist si Arkin ngayon at nakapaglabas na raw siya ng ilang single.
Ginagawa rin umano niya ang ilang awitin ng kaniyang ama na si Francis para maipagpatuloy ang legacy nito at maipakilala sa bagong henerasyon.
“Gusto kong ma-continue 'yung legacy niya. Lalo na sa generation ko ngayon, kailangan kong malaman nila kung sino 'yung tatay ko kasi malaki siyang inspiration sa lahat,” ayon kay Arkin. —FRJ, GMA Integrated News

_2023_05_12_14_53_23.jpg)