Masayang nagkuwento ang dating child star na si Katrina Legaspi, na mas kilala bilang si "Hopia," sa kaniyang karanasan bilang first-time mommy sa kaniyang 2-month-old baby na si Kaela.

Sa isang episode ng "Eat Bulaga," kabilang si Hopia sa mga celebrity mommy na guest choices para sa segment na "Bawal Judgmental."

Ayon kay Hopia, na-underestimate niya ang pagiging isang ina.

"Na-underestimate ko talaga. Iba yung puyat nung nagti-taping, sa puyat nang pagiging ina. Puyat is real!," saad niya.

"Talagang walang tulog. Pero napaka-fulfilling kasi ano rin ako breastfeeding," patuloy niya.

Ayon kay Hopia, malaking tulong sa kaniya ang kaniyang mommy na umaalalay sa kanilang mag-asawa.

Ang mommy rin umano niya ang nagluluto ng mga lutuing makatutulong para magkaroon siya ng maraming gatas. Kabilang ang mga may sabaw na nilalagyan ng maraming malunggay.

Kuwento pa ng dating child star, wala silang yaya kaya hands-on sila ng kaniyang asawa sa pag-aalala sa kanilang baby.

"Medyo praning kasi ako as a mom na baka...lahat kasi kahit lumalabas ako ang isip ko nasa baby ko. Gusto ko ako talaga, kaming dalawa talaga ang hands-on," paliwanag niya kaya wala silang yaya.

Gusto rin daw ni Hopia na namnamin ang lahat ng sandali sa pagpapalaki sa kanilang baby.

Mensahe niya sa anak, "Love na love ka namin ng daddy mo, and siyempre pinagpi-pray namin kay Lord na maging mabuti kang anak. Kami, talagang nakasuporta sa 'yo, aalagaan ka namin, poprotektahan ka namin. Siyempre gusto naming matupad ang mga dreams mo, lahat ng desires mo sa heart. We love you so much."

--FRJ, GMA Integrated News