Sinabi ni Max Collins na proud silang magkakaibigan sa ginawang paglantad ng kanilang kabarkada na si Miss Universe Philippines 2023 Michelle Dee na isa siyang bisexual.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, pinag-usapan nina Tito Boy at Max, ang ginawang pag-amin ni Michelle tungkol sa kaniyang sexual identity.

Ginawa ni Michelle ang rebelasyon dahil sa may naglabas umano ng kaniyang larawan na may pagka-boyish siya.

“I definitely identify myself as bisexual. I’ve identified with that for as long as I can remember,” ayon sa beauty queen-actress sa interview ng isang magazine na siya ang cover.

“I’m attracted to all forms of beauty, all shapes and sizes,” patuloy pa ng Kapuso star.

Sa ginawang pahayag ni Michelle, sinabi ni Tito Boy na proud siya sa ginawa ng Kapuso actress.

"I'm proud of you. You have my love and my respect," anang King of Talk. "Say it clear, say it loud. Gay is good, gay is proud."

Ayon kay Max na siyang guest ni Tito Boy, proud silang magkakaibigan kay Michelle dahil hindi umano ito pumapayag na ibagsak siya.

"We are so proud of her. She never lets anything throw her off," ani Max. "She's always had that queen mindset."

Tinawag pa ni Max na mababaw ang isyung nais gamitin laban kay Michelle tungkol sa sexual identity ng kaibigan.

"She will not let anyone put her down. Specially for something like that... that's so babaw," anang aktres.

Nauna na ring nagpahayag ng suporta kay Michelle ang kaibigan at house mate nito na si Rhian Ramos. (READ: Rhian Ramos, suportado ang kaniyang 'bb' na si Michelle Dee na umaming bisexual) -- FRJ, GMA Integrated News