Sumailalim sa stem cell therapy para sa may autism spectrum disorder ang anak nina Aubrey Miles at Troy Montero na si Rocket.
Ibinahagi ng celebrity couple sa kanilang YouTube vlog nitong Linggo ang naturang proseso para mabigyan ng kaalaman ang kanilang followers tungkol sa stem cell na maaaring maging lunas sa autism.
Ayon kay Aubrey, katulad ng iba, inakala niya na ang stem cell therapy ay para lang sa anti-aging o joint issues. Hanggang sa malaman nila na ikinukonsidera rin itong panggamot sa mga kabataan.
"They said that Rocket was a perfect candidate for stem cell therapy. She's at the right age, because basically they want to inject stem cell and it's going to be more effective for someone seven years and below," sabi naman ni Troy.
"So Rocket's four-years-old and her brain is still developing so that way the stem cell will enter the brain and be able to make those connections that are lacking in her brain right now," dagdag pa niya.
Ayon kay Troy, may bahagi ng utak ni Rocket ang hindi "nakikipag-ugnayan" sa iba pa niyang organ, gaya ng bahagi ng katawan na nagko-kontrol para sa kaniyang ugali, pananalita, at pagsagap ng kaalaman.
Sa EW Villa Medica sa Pasay City kung saan nila dinala si Rocket, binigyan daw muna ng anesthesia ang bata at saka nilagyan ng IV. Kailangan daw munang pakalmahin si Rocket para ilagay sa kaniya ang stem cell.
Tumagal umano ng 30-45 minutes ang proseso at pagkatapos ay inilagay si Rocket sa loob ng hyperbaric chamber sa loob ng isang oras.
Ayon sa Mayo Clinic, ang hyperbaric oxygen therapy isang treatment na may kinalaman sa paglanghap ng pure oxygen sa isang pressurized environment. Nakatutulong ang oxygen para mailabas ang growth factors at stem cells para sa paggaling.
Sinabi ni Aubrey na ikatlong hyperbaric session na ito ni Rocket at may nakikita silang pagbuti sa kaniyang anak.
"Hindi naman kami mag-rely lang sa stem cell, kailangan lahat pa rin," paglilinaw niya.
Matatandaan na ibinahagi rin nina Aubrey at Troy noong nakaraang taon nang ma-diagnosed na may ASD si Rocket. Mula noong, ibinabahagi ng mag-asawa ang mga nangyayaring progreso sa kanilang anak katulad nang unang makapagsalita ito.
Minsan na ring sinabi ni Aubrey na tinuruan sila ni Rocket ng "different kind of love" nang malaman nila na may autism ang kanilang anak.—FRJ, GMA Integrated News

