Ngayong 14-anyos na ang anak ni Vina Morales na si Ceana, papayagan kaya ng actress-singer na pasukin din ng dalagita ang showbiz business?

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Huwebes, sinabi ni Vina na mahusay ding umawit ang anak niyang si Ceana.

"Tinatanong siya ng mga tao, 'Ceana do you want to be in show business?' 'Hmm, maybe,'" kuwento ni Vina. "'Yung ganun, so may possibility."

Pero bilang ina, sinabi ni Vina na nais niyang makapagtapos muna ng pag-aaral ang kaniyang anak bago pumasok ng showbiz.

Sa kaniyang karanasan, sinabi ni Vina na hindi siya nakapagtapos dahil nagsimula siyang kumanta sa edad na walo, habang sa tuluyan nang pumasok sa showbiz.

Gayunman, hindi raw niya mapipigilan ang anak kung ano ang nais nitong gawin.

"But then kung ang hilig kasi, hindi mo masa-stop. Katulad nung sa akin, hindi ako na-stop ng parents ko. They were there to support me so I'll do the same thing for my daughter," paliwanag niya.

Si Ceana ay anak ni Vina at dati niyang partner na si Cedric Lee. —FRJ, GMA Integrated News