Matapos ang siyam na buwang pagkakakulong, nakauwi na sa bansa ang 24 Pinoy na ilegal umanong nagtrabaho sa Russia.
Naglakbay sila mula Krasnoyarsk patungong Bangkok, Thailand kung saan sila sumakay ng connecting flight pauwi ng bansa.
Unang dumating ang anim na mga Pilipino dakong alas-11:40 nitong Sabado ng gabi habang dakong alas-4 naman ng madaling araw nitong Linggo ang labingwalo pang iba.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), wala silang kaukulang dokumento nang magtrabaho bilang “cleaners” o tagalinis sa Russia.
“Wala silang mga papeles bilang trabahante o workers sa Russia, so umabot sa punto ng immigration cases sa kanila, humantong sa deportation,” ani DMW Secretary Hans Leo Cacdac.
Magsasagawa rin ng imbestigasyon ang ahensya, katuwang ang Department of Justice para matukoy kung biktima sila ng human trafficking at kung sino ang kanilang illegal recruiters.
“Kung mayroong kailangang masugpo rito na illegal recruitment o human trafficking activity ay agaran natin bibigyan ng lunas ito. Makikipag-ugnayan tayo kay Secretary Vida sa DOJ at sa law enforcement,” pagtitiyak pa ni Cacdac.
Makahulugan naman para sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang mabilis na pagtugon ng Russia sa hiling ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. patungkol sa mga Pinoy.
“This is I think first of a kind na nailabas, na lumabas from Russia. Noong hiningi ni Pangulong Marcos, ibinigay kaagad. So that’s a very important act of goodwill also ni President Putin,” ani DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro.
Matatandaang idinulog ni Marcos kay Russian President Vladimir Putin sa ASEAN-Russia Summit sa Kazan ang sitwasyon ng mga nasabing Pilipino na siyam na buwan nang nakakulong sa detention center sa Russia.
Makakatanggap sila ng post-repatriation assistance at tulong pangkabuhayan para sa kanilang reintegration. —KG GMA News

