Nagsalita na si Britney Spears sa hiwalayan nila ng asawang si Sam Asghari, matapos maghain ang huli ng petisyon para sa kanilang diborsyo.
Sa kaniyang Instagram, kinumpirma ni Britney na hiwalay na sila ni Sam matapos ang anim na taon, bagay na kaniya ring ikinagulat.
“As everyone knows, Hesam and I are no longer together … 6 years is a long time to be with someone so, I’m a little shocked but … I’m not here to explain why because it's honestly nobody’s business !!!” saad ng American singer.
Ayon sa Pop Princess, hindi na niya maitago ang sakit, ngunit nananatili siyang nagpapakatatag sa kabila ng hiwalayan nila ni Sam.
“But, I couldn’t take the pain anymore honestly !!! In some sort of telepathic way I have been receiving so many messages that melt my heart from friends and I thank you !!! I’ve been playing it strong for way too long and my Instagram may seem perfect but it’s far from reality and I think we all know that !!!”
Sinabi pa ni Britney na gustuhin man niyang ipakita ang kaniyang tunay na nararamdaman, ngunit may ilang dahilan kung bakit kailangan niyang itago ang kaniyang mga kahinaan.
Gayunman, ito ang pagkakataon na kailangan niya ng pagmamahal ng kaniyang pamilya.
“If I wasn’t my dad’s strong soldier, I would be sent away to places to get fixed by doctors !!! But that’s when I needed family the most !!! You’re supposed to be loved unconditionally … not under conditions !!!!”
“So I will be as strong as I can and do my best !!! And I’m actually doing pretty damn good !!! Anyways have a good day and don’t forget to smile !!!” pagtatapos ni Britney.
Naghain si Sam ng petisyon para sa diborsyo mahigit isang taon matapos ang kasal nila ni Britney.
Idinahilan ng 29-anyos na Iranian-American actor-model ang "irreconcilable differences" para tuldukan na ang kasal nila ni Britney na tumagal lang ng 14 na buwan, base na rin sa mga court document na inihain niya nitong Miyerkoles sa Los Angeles.
Sa divorce petition ni Sam, napag-alaman na hindi na nagsasama ang dalawa noong nakaraang buwan.
Nagkakilala sina Britney at Sam noong 2016 nang lumabas si Sam sa music video ni Britney para sa single nito na “Slumber Party.”
Noong nakaraang taon, inanunsyo ng dalawa na buntis si Britney, ngunit pagkaraan lang ng ilang linggo ay sinabing nakunan ang singer.
Ikinasal sina Britney at Sam noong 2022, isang taon matapos ibasura ng isang California judge ang 14-taong conservatorship kay Britney.
Sa naturang kasunduang legal na pangunahing pinamunuan ng kaniyang ama na si Jaimie, hindi maaaring patakbuhin ng singer ang kaniyang sariling buhay at maging sa paghawak sa kaniyang kita.
May dalawang anak na teenager si Britney na sina Sean at Jayden sa dati niyang asawa na si Kevin Federline.
Samantala, halos tatlong araw lang tumagal ang kasal nila ng kaniyang kababata na si Jason Alexander. — VBL, GMA Integrated News
