Mula sa pagiging host na may mga nakakakabang tanong sa mga manlalaro, si Dingdong Dantes naman ngayon ang sumalang bilang contestant sa game show na “Family Feud.” Mahulaan kaya niya ang mga tamang sagot?

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras, si Nelson ang siyang naging host habang si Dingdong ang humarap sa mga nakahandang tanong.

“Matagal ko nang pangarap na tumayo dito sa podium na ito,” sabi ni Dingdong.

Ang mga tanong ay nanggaling mula sa kaniyang mag-iina na sina Marian Rivera, Zia at Sixto.

Tinanong si Dingdong tungkol sa top 3 na paboritong proyekto ni Marian na kanilang pinagtambalan, top 3 na regalong gustong matanggap ni Zia sa kaarawan nito, at ang top 3 na paboritong superheroes ni Sixto.

“Talagang very, very challenging. Iba pala talaga kapag ikaw na ‘yung tinatanong. Kahit na gaano ka kahanda, matataranta ka. Ang saya ng pakiramdam, kaya pala parating nag-e-enjoy ‘yung mga guest dito sa Family Feud,” sabi ng Family Feud host.

Matapos ang season break nito, muling mapapanood ang Family Feud simula Oktubre 2 bago ang 24 Oras.

Sinabi ni Dingdong na sa pagbabalik ng programa, magiging panauhin ang mga masisipag na Pinoy gaya ng mga vendor, nurse at security guard.

Bukod dito, magkakaroon din ng “Family Feud Kids.” — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News