Ang "Missing Husband" leading man na si Rocco Nacino ang nagbukas ng programang "Fast Talk With Boy Abunda," matapos muntik nang maging "missing host" si Boy Abunda dahil sa traffic.

Sa episode ng naturang showbiz talk show nitong Lunes, ang guest na si Rocco ang nagbigay ng opening spiel dahil wala pa si Tito Boy, na unang pagkakataon nangyari.

"Magandang hapon mo 'Nay, 'Tay, mga Kapuso, ako po si Rocco Nacino at today ako ang bisita niyo dito. Relax lang kayo d'yan dahil sa aming pagbabalik, makakausap ko na si Tito Boy dito lang sa 'Fast Talk with Boy Abunda,'" sabi ni Rocco na first time magiging panauhin sa nasabing show.

Pero bago pa mag-break, dumating na si Tito Boy at masayang niyakap si Rocco.

"Hindi na kailangang maghintay. Nandito na si Tito Boy," sabi ni Rocco.

Sabi ni Tito Boy, "Nag-Angkas po ako."

Ayon sa King of Talk, matindi ang traffic pero hindi raw iyon dahilan para hindi siya makapagprograma.

Sa isang bahagi ng panayam niya kay Rocco, muling binalikan ni Tito Boy ang pagkakaipit niya sa trapik kaya sandali siyang na-late sa kaniyang show.

"Tutal galing na rin naman ako sa traffic, nakakahiya sa Angkas driver," anang TV host.

"Manong, I didn't get your name, sobra, pero mula sa aking puso, damo nga salamat," sabi pa ni Tito Boy sa rider na naghatid sa kaniya sa studio. —FRJ, GMA Integrated News