Sinampahan ng Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas (KSMBP) ng reklamo ang vlogger na si Toni Fowler dahil umano sa kaniyang mga “malaswang” music videos.
Ayon kay Atty. Mark Tolentino, legal counsel ng KSMBP, sinampahan nila si Toni ng three counts ng paglabag sa Article 201 ng Revised Penal Code (RPC) in relation to the Cybercrime Prevention Act of 2012 sa Pasay City Prosecutor’s Office, kaugnay sa tatlo niyang music videos.
JUST IN: Vlogger na si Toni Fowler, sinampahan ng kasong kriminal ng Kapisanan ng mga Social Media Broadcaster ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI) sa Pasay City Prosecutor's Office.
— DZBB Super Radyo (@dzbb) September 27, 2023
Kaugnay ito sa malalaswa umano niyang video online. | via Mao dela Cruz pic.twitter.com/nhNkZgQWHT
"Kasi when you say freedom of press or freedom of expression, hindi absolute 'yan. May mga limitation ang freedom of press… the second limitation is Article 201 of the RPC. Ito 'yung nagbibigay ng mga obscene publication, indecent publication,” sabi ni Tolentino sa isang ambush interview.
"Like in this case of Ms. Toni Fowler, may nagpakita siya, kumakanta siya ng mga bastos. Aside from the — nagpakita din ng sex organs," dagdag pa niya.
Sa video para sa kaniyang kanta na “MPL,” mapapanood sina Toni at ang kaniyang mga dancer na halos mga nakahubad na, may hawak na sex toys habang sumasayaw. Gayunman, walang tunay na sex organs ang makikita.
Ayon pa kay Tolentino, may menor de edad pang sangkot sa isa mga video.
Hiningan na ng GMA News Online ng pahayag si Toni sa pamamagitan ng kaniyang official Facebook page ngunit hindi pa tumutugon.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News