Inihayag ng "It’s Showtime" hosts na sina MC at Lassy na hindi na nila hinangad pang sumikat, at wala silang planong manahin ang trono ni Vice Ganda.

“Do you also dream that one day, gusto niyong mapunta sa tugatog?” tanong ni Tito Boy kina MC at Lassy sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.


“Hindi,” sabay na sagot ng mga komedyante.

“Masaya na akong ganito,” pagdugtong ni Lassy.

“Kaya kami siguro nagwo-work nina Vice alam namin na sa isang kaharian, isa lang ang reyna. Kasi kapag maraming reyna may mag-aaway-away,” sabi naman ni MC.

Iginiit ni Tito Boy na dapat na may tagapagmana ang isang reyna.

“Kasi ang reyna maganda. Tingin mo magmamana ako?” biro ni Lassy sa sarili. “Malamang bawal ako.”

“Siguro hindi na kami ‘yung para maging heir. Siguro, kami na lang ‘yung legacy niya. Feeling ko ‘yun ang posisyon namin,” sabi ni MC.

Samantala, sinabi ng dalawa na minsan na rin naman silang nagkagalit pero hindi umabot sa punto na kailangan nilang maghiwalay bilang tandem sa trabaho.

Dagdag ng dalawa, hindi sila nag-away dahil sa pera at lalong hindi dahil sa boyfriend.

"Yung mga type niya hindi ko type," sabi ni Lassy.

"At yung mga type ko, hindi siya type," dugtong naman ni MC.

Ang dahilan umano ng hindi nila pagkakaunawaan ay selos dahil sa trabaho.

"Iba ang isinama niya," natatawang sabi ni MC.

Aminado naman si Lassy na ipinaliwanag na nagsisimula pa lang sila noon.

Gayunman, matapos umano silang magtalakan at magpaliwanagan nang buong araw, naayos din ang kanilang problema.-- FRJ, GMA Integrated News