Matapos ang magaling niyang pagganap bilang si Sisa sa “Maria Clara at Ibarra,” isa namang fierce, seductive at palabang kontrabida ang gagampanan ni Andrea Torres sa “Love Before Sunrise.”

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras, sinabing gagampanan ni Andrea ang karakter ni Czarina Montelibano sa pinakabagong Kapuso drama series.

“When she enters a room mafi-feel mo ‘yung presence niya talaga, and alam niya kung ano ‘yung meron siya at gusto niya lagi fino-flaunt yon. Tapos hindi mo alam, minsan natatawa ka sa kaniya, minsan naiinis ka, minsan naaawa ka,” sabi ni Andrea tungkol sa kaniyang karakter.

Para kay Andrea, very challenging na gumanap bilang isang daring kontrabida.

“Feeling ko hindi mo dapat kinakahon ‘yung sarili mo na ‘Pangganito lang ako’ or ‘Dapat ito lang ‘yung makita nila sa akin,’” anang Kapuso actress.

Dagdag pa niya, dream project niyang makatrabaho sina Dennis Trillo, Sid Lucero at Bea Alonzo.

Ayon kay Andrea, agad niyang naging kaibigan si Bea, ngunit sa series, dapat abangan ang kanilang banggaan.

Bukod sa Love Before Sunrise, abala rin si Andrea sa bubuksan niyang food business.

“Well wala pa akong love life at the moment, pero happy ako. In fairness hindi ko siya hinahanap.”

Nauna nang sinabi ni Andrea na may lima siyang manliligaw, ngunit naniniwalang sadyang may panahon pagdating sa pag-ibig. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News