Matapos ng halos 11 taon ng kanilang relasyon bilang magkasintahan, inihayag ni Shaira Diaz kung kailan siya puwede nang magpakasal kay EA Guzman.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, sinabi ni Shaira na nalungkot siya nang mabalitaan niya na naghiwalay sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla na kasing-tagal din nila ni EA ang relasyon na 11 taon.

Ayon kay Shaira, fans sila ni Edgar ng KatNiel at pinapanood nito ang proyekto ng dalawa. Kasabay ng lungkot, napatanong daw siya kung ano ang dahilan at naghiwalay ang dalawa.

Dahil sa nangyari sa KatNiel, nasabi umano ni Shaira kay Edgar na hindi mangyayari sa kanila ang nangyari kina Kathryn at Daniel.

"Ang maganda sa amin ni Baba [tawag niya kay EA], pinaplano namin, inaalam namin kung ano ‘yung magiging timeline ng bawat isa. Para alam namin kung ano ‘yung next move namin,” kuwento niya.

“Sinecure namin ‘yung isa’t isa, lalo na si Baba, sinecure niya [ako] na, ‘kahit abutin tayo ng ilang taon, maghihintay ako’,” sabi ni Shaira.

Nang tanungin ni Tito Boy si Shaira kung ano ang gagawin ni EA para iwan niya ang relasyon nila, ang sabi ng aktres, "Kapag na-confirm ko na nag-cheat si Edgar [EA]."

Sinabi rin ni Shaira na hindi siya naniniwala sa konsepto ng second chance.

"Kung mahal mo talaga ako, hindi ka magloloko. Kung gusto mo talaga akong makasama ng habambuhay, gagawin mo lahat, hindi ka magloloko," paliwanag pa niya.

Nang tanungin naman ng King of Talk si Shaira kung ano ang isasagot niya kay EA kung ayain na siya nitong magpakasal, sinabi ng Kapuso actress na, "Yes!"

“After [ng] graduation [ko] tayo magpakasal,” sabi ni Shaira patungkol kay EA.

Bumalik sa pag-aaral si Shaira noong 2019 sa kabila ng pagiging busy sa showbiz. Kumuha siya ng kursong marketing and management sa University of Perpetual Help sa Las Piñas City.— FRJ, GMA Integrated News