Masayang ibinahagi ni Miles Ocampo na cancer-free na siya.

Sa panayam sa YouTube channel ni Karen Davila, binalikan ni Miles ang naging laban niya sa naturang peligrosong karamdaman.

“Nung time na ‘yun parang, una sa lahat, ‘yung weight ko, parang sabi ko, ‘Bakit ‘di naman ako sobrang kumakain, nagpi-pilates naman ako. Bakit ganito? Bakit hindi ako pumapayat talaga?’” sabi ng aktres na napansin din na madali siyang mapagod.

Nagpasuri sa duktor si Miles pero hindi kaagad ipinaalam sa kaniya na mayroon siyang cancer.

“Alam na ng doctor ko at ng manager ko that time na cancer siya pero ‘di pa nila sinasabi sa’kin, na ang sinasabi nila, kahit anong mangyari, kahit anong maging resulta ng biopsy, kailangan na siyang tanggalin ASAP. So parang ako, dedma pa ‘rin po,” kuwento niya.

BASAHIN: Celebs, nagpahayag ng pagmamahal kay Miles Ocampo; sintomas ng kaniyang sakit, inihayag ng aktres

Ayon kay Miles, nalaman lang niya na may cancer siya matapos siyang operahan.

Matapos ang operasyon, kinailangan ni Miles na mag-radiation therapy dahil mayroon pa umanong naiwan na cancer cells na medyo kumalat,

Bagaman cancer-free na, sinabi ni Miles na may panghabambuhay na maintenance medication na siyang kailangang inumin.

“‘Yung meds ko, habambuhay na siya and du'n na ako naka-base. Kumbaga ‘yung weight ko rin, du'n na siya magbe-base kung tataba or papayat kasi every two months, kailangan ko magpa-blood test para i-check kung ia-adjust ba ‘yung dosage,” paliwanag niya.

Abril nitong nakaraang taon nang sabihin ni Miles na sumailalim siya sa thyroidectomy surgery matapos na matuklasan na mayroon siyang papillary thyroid carcinoma, na isang uri ng cancer na nakakaapekto sa thyroid.— FRJ, GMA Integrated News