Tatlong buwan makaraang kumpirmahin ang hiwalayan nila ni Xian Lim, sinagot ni Kim Chiu ang tanong sa kaniya na, "kamusta ang puso."

Sa unang pagkakataon matapos ang kanilang breakup ni Xian, pumayag si Kim sa mapag-usapan ang kaniyang personal na buhay sa latest vlog ng celebrity doctor na si Vicki Belo.

"Kamusta ang puso?," tanong ni Vicki, na sinagot naman ni Kim na, "It's a little empty," na sinundan niya ng tawa.

“Ang puso, it’s a little empty, pero okay naman,” dagdag ng aktres. "It's part of life, and it's part of growing up."

BALIK-TANAW: Celebrity breakups ngayong 2023

Ayon kay Kim, desisyon nila pareho ni Xian na "to move on" sa kanilang buhay matapos ang 12 taon ng kanilang relasyon.

“Medyo mahirap siya, and you just have to accept siguro ‘yung mga bagay na wala ka nang control,” saad ni Kim.

Disyembre nang kumpirmahin nina Kim at Xian sa magkahiwalay na post sa Instragram ang kanilang paghihiwalay.

Gayunman, hindi nila inihayag kung ano ang dahilan para tapusin ang kanilang relasyon, maliban sa paliwanag na pareho nila itong desisyon.

Si Kim ang bagong modelo ng Belo's slimming technology, V-Contour Ultra. — mula sa ulat ni Hermes Joy Tunac/FRJ, GMA Integrated News