Trending at ikinatuwa ng netizens si Marian Rivera matapos siyang kumasa sa pagiging translator para sa isang kandidato sa Superbods 2024.
Naging judge si Marian sa Century Tuna Superbods 2024 sa Pasay City noong Martes ng gabi.
Sa question and answer portion, isang lalaking kandidato ang humiling kay Marian na isalin sa Ingles ang tanong nito.
Game si Marian sa hiling ng kandidato.
“I will try my best. Are you ready for this? Listen very carefully. Here’s my question," sabi ni Marian, bago ibinigay ang tanong sa Ingles.
“I think you understand that,” pagtatapos ni Marian, bago tumawa at nag- peace sign sa lalaki.
Samantala, may appreciation post din sa kaniya ang kaniyang mister na si Dingdong Dantes.
“Hindi lang ang iyong panlabas na kagandahan ang nagningning kagabi, kundi pati na rin ang natural mong talento sa pagpapasaya at pagpukaw sa puso ng mga Pilipino… Isang masigabong palakpak para sa iyo, Misis ko,” caption ni Dingdong.
Biro naman ni Marian “Love you mahal ko. Sa [sususunod] ikaw na tatawagan ko para mag translate!” — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
