Aminado si David Licauco na-starstruck siya nang una niyang makita ang Japanese star na si Maria Ozawa na kasama niya sa Kapuso series na "Pulang Araw."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo, sinabi ni David na nakita niya si Maria sa taping ng kanilang serye.

Sa serye, gumaganap si David bilang si Hiroshi Tanaka, anak ng Japanese immigrants sa Pilipinas. Ginagampanan naman ni Maria ang role bilang ina ni Tanaka.

"Actually paakyat dito nakita ko si Maria Ozawa," kuwento ni David. "Nagulat ako na nandyan siya saka ang ganda niya."

Dating nag-viral si David sa kaniyang guesting sa "Family Feud" noong Enero nang banggitin ng aktor ang "Ozawa," nang hingan siya ng mga pangalang nagsisimula sa "Maria."

Dating kasama si David sa Kapuso hit series na "Maria Clara at Ibarra," na kinabilangan nina Barbie Forteza at Dennis Trillo.

Nagkomento naman si Maria sa naturang viral clip ni David na tinawag niyang "cute."

Kasama ni David sa "Pulang Araw" sinaba Barbie, Sanya Lopez, Alden Richards, at Dennis.

Napapanood mula Lunes hanggang Biyernes ang "Pulang Araw," pagkatapos ng GMA News "24 Oras."—FRJ, GMA Integrated News