Isa na namang hamon sa pagganap ang naging karakter ni Dennis Trillo sa upcoming movie na "Green Bones," na kinailangan niyang mag-aral ng sign language.
Sa naturang pelikula na entry sa Metro Manila Film Festival (MMFF) na ipalalabas sa Pasko, gagampanan ni Dennis ang role bilang si Domingo Zamora, na inaresto dahil sa pagpatay kaniyang kapatid na babae.
Sa inilabas na official trailer ng pelikula, dinala si Domingo sa San Fabian Prison and Penal Farm, ang pinakamalaking bilangguan sa labas ng Metro Manila.
Makikita si Domingo na nakikipag-ugnayan sa iba pang persons deprived of liberty (PDLs) sa pamamagitan ng pagsenyas at galaw ng mata.
Paghihinalaan ng prison guard na si Xavier Gonzaga, ginagampanan ni Ruru Madrid, na nagpaplano si Domingo na tumakas.
"Dito kasi sa character ko na 'to, mayroong phase dun sa kuwento niya na kinailangan niyang mag-sign language. Dahil dun sa trauma na naramdaman niya, parang ayaw niya muna magsalita," kuwento ni Dennis sa grand media conference ng pelikula na ginanap sa Quezon City nitong Huwebes.
Bagaman walang masyadong linya, sinabi ni Dennis na ang kaniyang mga mata ang gamit niya sa pakikipag-komunikasyon.
"Kahit tinginan pa lang, naiintindihan mo na kung ano 'yung gustong ipahiwatig ng kuwento," sabi ni Dennis.
Sinabi pa ni Dennis na nagbawas din siya ng timang at nagpabago ng hitsura para maipakita ang karakter ng isang drug-addicted criminal.
"Kailangan lang mag-effort kasi ang tagal ko na dito sa industriya, kailangan may maipakita naman akong bago," sabi niya.
Ang "Green Bones" ay sa direksyon ng award-winning Kapuso director na si Zig Dulay, na mapapanood sa mga sinehan simula December 25.
Base ito sa original story ni JC Rubio, senior documentary manager ng GMA Public Affairs, habang isinulat nina National Artist Ricky Lee at MMFF 2023 Best Screenplay winner Anj Atienza, ang screenplay.
Kasama rin sa pelikula sina Michael De Mesa, Ronnie Lazaro, Kylie Padilla, Iza Calzado, Sofia Pablo, Alessandra de Rossi, Wendell Ramos, at marami pang iba. — mula sa ulat ni Nika Roque/FRJ, GMA Integrated News